Last week, pauwi ako galing sa planta namin, yung 360MW Magat hydorelectric power plant. Sa gitna yun ng boundary ng Isabela at Ifugao. Paglagpas mo ng Diadi, aapak ka sa Bagabag, bago ka dumating ng Solano. Sa Bagabag, masarap ang mais doon. Habang tinatahak mo ang kahabaan ng highway, may mapapansin kang mga long hair young girls na may hawak-kawak na mga bungkos ng mais, iwawagayway nila ito sa mukha mo, na para bagang sinasabing, hey you, wanna buy my corn?
Sabi ko sa drayber, pare tigil tayo subukan natin yung mais. Balita ko kasi, ang mais sa Bagabag yung tinatawag na native. Yung maliit, maputi, pero pag nginuya mo, aba medyo malagkit. So papara yung drayber ko dun sa isang magandang long hair na pretty girl, sabi ko wag diyan, pili tayo ng pangit pangit ng konti para mas mura. So pumara kami dun sa next. Mura nga, limang piso lang ang isa kung hindi luto. Kung luto naman, beinte ang apat, kasi daw luto na. By the way yung nagtitinda may balat sa arm. Sabi ko miss, bakit nagpatattoo ka ng mapa ng Romblon sa braso. Tawa siya.
Ayun, habang nasa daan kain kami ng mais ng drayber. Galit galit muna kami, walang kibuan. Eto ang nadiscover ko. Mas delikado palang kumain ng mais habang nagdadrive kaysa sa magtext. Bandang Solano medyo umese-ese kami dahil nagbabalat siya ng pangatlo niya. Sabi ko, mula ngayon, may bagong company policy on travel safety. Pwede bumili ng mais sa Bagabag, pero bawal muna kumain hanggang wala sa stopover sa may Sta. Fe.
Hindi sumagot si drayber. Gawa kasi, puno ang bibig.